Isang construction worker ang nakitang patay sa pinapasukang construction site sa Dagupan City, Pangasinan. Ang hinala ng mga awtoridad na maaaring sanhi ng kaniyang pagkamatay--heat stroke.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ronald Baracas, 41-anyos ng Sual, Pangasinan.
Natagpuan ang katawan ni Baracas sa pahingahan ng construction site sa barangay Pantal sa Dagupan City.
Bago matagpuang patay, sinabi ng mga kasamahan nito sa trabaho na idinadaing daw ni Baracas ang pananakit ng ulo dahil sa sobrang init ng panahon.
May iniinom din daw na gamot si Baracas para sa pananakit ng katawan at laging idinadaing ang matinding init.
"Lagi siyang umiinom ng malamig na tubig kasi nga mainit, mainit sa katawan. Kung minsan iika-ika siya," ani Rodrigo Alagna, na aminadong mainit talaga ang panahon sa kanilang lugar lalo na sa tanghali.
Batay sa tala ng PAGASA ngayong Huwebes, umabot sa 41.71 degrees Celsius ang heat index. Pero mas mababa pa ito kumpara sa mga naitala sa nagdaang mga araw o linggo na umabot sa 50 degrees Celsius.
Hinala ng pulisya, posibleng na-heat stroke si Baracas.
"Initially 'yon ang assessment ni Doctor Bautista [na] pumunta doon sa area. Possible cause of death is heat stroke," ayon kay Police Lieutenant Joy Salvador, chief investigator ng Dagupan City Police Station.
Wala namang nakikitang foul play ang pulisya sa pagkamatay ni Baracas, ayonsa ulat.
Wala pang pahayag ang kaanak ng nasawing construction worker. --FRJ, GMA News