Nauwi sa trahediya ang kasiyahan ng magkakamag-anak sa isang resort nang makuryente at masawi ang isa nilang kasama habang nagbi-videoke sa Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Kelvin Aris Pineda.

Ayon sa pulisya, kasama ni Pineda sa isang resort sa Barangay San Matias sa Santo Tomas, Pampanga, ang ilang kaanak at kaibigan.

Napansin umano ng biktima na may "ground" ang mikropono ng videoke at inireport niya ito sa pamunuan ng resort.

"Nagresponse naman yung management pinalitan yung microphone. Pagbalik nung biktima, pagpindot, buong videoke pala yung grounded. So pagpindot niya dun sa videoke nagkaroon po ng 'di natin na... aksidente po," pahayag ni Police Captain Glenn Santelices, hepe ng Sto. Tomas Police Station.

Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na siya umabot ng buhay.

Nais ng pamilya ng biktima na papanagutin ang pamunuan ng resort pero handa rin silang makipag-usap.

"Yung kondisyon na hinihingi ng pamilya is babayaran yung funeral service, lahat. Tapos yung paglilibingan nilang lote. Maliban doon, naghihingi sila ng para sa damage ng namatayan sila," ayon kay Jon Pineda, kaanak ng biktima.

"Magpag-uusapan naman iyan. Kung iga-grant nila yung kahilingan ng pamilya namin [pero] kung hindi, doon siguro magsasampa kami ng kaso," patuloy niya.

Sinubukan na kunan ng panig ang pamunuan ng resort pero hindi pa sila nagbibigay ng pormal na pahayag, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News