Isang negosyanteng babae na nagpapautang din ang binaril at napatay sa Pavia, Iloilo.
Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Lodevina Praje, 50-anyos, ng Barangay Ungka Uno.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang lalaking sakay ng morotsiklo ang bumaril sa biktima sa labas ng isang mall.
May nakuhang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Mayroon na umanong person of interest ang pulisya sa kaso.
Samantala, nakita namang nakahandusay sa kalsada matapos barilin si Yuki Castro, 31-anyos, sa Barangay Bata.
Ayon sa saksi, naglalakad lang ang biktima nang barilin ng salarin na sakay ng motorsiklo.
Walang maisip na dahilan ang mga kaanak ng biktima para sa posibleng motibo sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa Barangay Vista Alegre sa Bacolod pa rin, binaril at napatay ang karpinterong si Edgar Mendoza.
Pinaghahanap ng mga pulis ang suspek sa krimen na si Darryl Daza.
Ayon sa pulisya, dati nang ipinatawag sa barangay ang dalawa dahil sa naging away nila.
Dati na ring nakulong si Daza sa kasong pagnanakaw noong 2020. --FRJ, GMA News