Huli ang isang lalaking may problema umano sa pag-iisip matapos niyang tangayin ang isang nakaparadang police patrol car sa Alegria, Surigao del Norte.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, lumabas sa imbestigasyon na iniwang nakaparada ng driver ang patrol car na nakakabit pa ang susi sa harap mismo ng police station.

Saglit namang pumunta ng banyo ang driver.

Pero dito na umano nakakita ng tiyempo ang suspek at tinangay ang patrol car.

Agad iniulat ang insidente at inalarma ang iba pang karatig na estasyon ng pulisya

Nabawi ang parol car mula sa suspek sa bayan ng Gigaquit.

Nadawit ang salarin sa gulo sa isang bus kaya natagpuan ito sa himpilan ng pulis.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, na hindi umano makausap nang matino.

Inilahad ng pamilya ng suspek na may problema ito sa pag-iisip.

Sinampahan ang suspek ng reklamong carnapping at damage to property.

Samantala, nagsagawa rin ng imbestigasyon ang provincial office kung may pananagutan ang driver ng patrol car. —LBG, GMA News