Mistulang ginawang palaman sa isda ang dalawang plastic sachet na may laman na hinihinalang shabu ang tinangkang ipuslit papasok sa Misamis Oriental Provincial Jail para ibigay sa isang bilanggo.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, nagpakilalang si Alvin Pagana, ang nagdala ng mga isda na para umano sa bilanggong si Junjun Valcueba.

Pero nang suriin ng mga guwardiya ang mga isda, nakita sa loob ng tiyan nito ang sachet na kasama ang bituka ng isda.

Kaagad namang tumakas si Pagana nang mabulilyaso ang kaniyang balak.

Ayon kay Francisco Sarangay, assistant provincial warden ng MOPJ, patakaran nila na inspeksyunin ang mga ipinapadala sa mga nakaditine.

Idinagdag niya na nagduda ang mga guwardiya nang walang maipakitang ID ang lalaking nagpakilalang si Pagana.

Samantala, itinanggi ni Valcueba na para sa kaniya ang ilegal na droga. Ngunit batay sa sinulatang form ni Pagana sa MOPJ, nakasaad ang pangalan nito na pagbibigyan ng isdang may shabu.

Napag-alaman na nasentensiyahan na si Valcueba sa mga kasong murder, carnapping at thief,  at nakatakdang ibiyahe sa Davao Penal Colony. --FRJ, GMA News