Patay ang isang negosyante matapos siyang pagbabarilin sa Ibaan, Batangas. Ang salarin, nakatakas.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," kinilala ang biktima na si Peterson Co, 49-anyos, residente ng Barangay Bolbok sa Batangas City.

Ayon sa pulisya, nagtungo sa Barangay Buliat sa Ibaan ang biktima na isang kontratista ng mga proyekto para magpasahod ng mga tauhan.

Habang nasa ipinapagawang gymnasium, dumating umano ang salarin at pinagbabaril ang biktima na agad nasawi.

Walong basyo ng bala ng kalibre .45 baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen. --FRJ, GMA News