Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi marunong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na pamunuan ang bansa--at hindi niya iyon kasalanan dahil hindi siya ang tumakbong presidente at sa halip ay pumayag na lang na maging running-mate sa Eleksyon 2022.
"Hindi marunong maging Presidente ang nakaupo, Kasalanan ko ba iyon?" pahayag ni Duterte sa press conference nitong Biyernes sa Mandaluyong City.
Inihayag din niya ang isa sa mga dahilan kaya siya nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), at umalis sa Gabinete ni Marcos.
"Kaya ako umalis sa administration, 'di ba? Hindi ko na gusto yung mga naririnig ko dun, yung mga nakikita ko dun," patuloy niya.
Para kay Duterte, wala umanong "Number One" sa kaniya, o presidente.
"Kung presidente ninyo siya, okay lang. Ako, hanggang Number Two lang itong bansa na ito. Wala itong Number 1 para sa akin," sabi pa ng pangalawang pangulo.
Nang tanungin kung ano ang marka na ibibigay niya sa pamamahala ni Marcos, sabi ni Duterte na mula 1 to 10 na 10 ang highest, "One ang rating ko sa kaniya."
“I don't ever remember may plataporma siya. I don't ever remember him discussing kung anong gagawin sa problema ngayon," ani Duterte.
May limang impeachable offenses din umano na nagawa si Marco pero sigurado raw siyang hindi naman ito papansinin ng mga kongresista na inaatasan na duminig sa impeachment process.
"Si BBM, may listahan ako ng limang bagay na may limang impeachable offense na... pero sa tingin niyo papasa diyan sa House, of course hindi," patuloy ni Duterte.
Tumanggi ang Malacañang na magkomento sa mga banat ni Duterte. -- mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News