Nahuli sa CCTV camera ng isang computer shop ang ginawang pananaksak ng isang lalaki sa taong napagkamalan niyang nandura at nambu-bully sa kaniya sa Iloilo City.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Juniejun Dingcong, 49-anyos, trabahador sa pelengke.
Naaresto naman ang suspek na trabahador din sa palengke na si Erwin Galbarole, 38-anyos.
Sa kuha ng CCTV, makikitang nakaupo si Dingcong nang lapitan siya ni Galborole at paulit-ulit na sinaksak.
Ayon sa pulisya, magkakilala ang dalawa. Pero nagtanim umano ng galit ang suspek sa biktima na napagkamalan niyang nandura sa kaniya noong nakaraang linggo.
"Napagkamalan niya (ang biktima) na parang nagbu-bully sa kaniya. Napagkamalan niya rin na siya ang dumura sa kaniya noong isang linggo. Pero kung titingnan mo ang background ng biktima, wala siyang kalaban o (masamang) record," sabi ni Captain Shella Sangrines, hepe ng Iloilo City Police Station 1.
Sa kabila ng mga tinamong sugat sa dibdib, leeg, likod at kamay, nakaligtas ang biktima dahil maliit lang umano ang ginamit na patalim ng suspek na isang folding knife.
"Sabi ng mga taga-doon, nakita na maikli ang folding knife na ginamit (ng suspek). Kapag tumama ay tumitiklop. Ang ibang saksak niya ay hindi tumama, yung sa likod lang niya kasi nakayuko siya," ayon kay Sangrines.
Nasa maayos na kalagayan na ang biktima at pumayag na makipagkasundo sa suspek na siya na raw ang sasagot sa pagpapagamot nito. --FRJ, GMA News