Sugatan ang isang menor de edad sa Bacolod City matapos umanong barilin ng guwardiya sa isang subdivision, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Sugat sa ulo, likod, leeg at braso ang tinamo ng 16-taon gulang na biktima matapos barilin umano ng guwardiya gamit ang isang shotgun.

Ayon sa guwardiyang si Mark Gil Capanas, nahuli niya ang biktima at kasamahan nito na nangunguha ng bakal sa binabantayan niyang subdivision.

Dagdag pa ni Capanas, may ebidensiya siya na nagnakaw ang dalawa.

Depensa naman ng biktima, mamamaril lang sila ng ibong uulamin. Bagama't nakuha sa kanila ang saku-sakong piraso ng bakal, wala raw silang planong magnakaw sa lugar.

Pumayag namang makipag-areglo ang ina ng binatilyo. —KBK, GMA News