Ilang magsasaka ang napilitang itapon na lang ang aning sibuyas o hayaang mabulok ang tanim dahil hindi nila maibenta sa Nueva Ecija.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang ilang sibuyas na nakatengga lang sa labas ng bahay ng isang magsasaka sa Bongabon, Nueva Ecija.
Hindi raw kasi binibili ng mga trader ang lahat ng kanilang aning sibuyas kaya marami sa kanilang produkto ang nabubulok na lang.
Ang magsasaka na si Dionisio Pascua, pinipili ang mga sibuyas na maaari pang maibenta sa palengke.
“Yung mapapakinabangan pa tinatabi, yung iba tinatapon na," ani Pascua.
Nagkakahalaga ng P30 bawat kilo ang farm gate price ng sibuyas sa mga trader. Maaari itong ibenta sa mga merkado sa presyong P60 per kilo tulad sa Commonwealth Market.
Ayon kay Crispulo Bautista, regional executive director ng Department of Agriculture (DA-Region 3), maaaring kumita ng P100,000 ang mga magsasaka kahit na ibenta sa P30 per kilo ang kanilang aning sibuyas sa isang hektaryang lupain.
Sa isang hektaryang lupain umano ay maaaring makaani ng 10,000 kilong sibuyas. Papatak ang presyo nito sa kabuuang P300,000. Mula rito ay ibabawas naman ang P200,000 na nagastos sa pagtatanim.
Ngunit hindi umano lahat ng ani ay binibili ng traders. Hindi rin daw madala ng mga magsasaka ang mga produkto sa ibang puwedeng pagbentahan dahil sa mahal ang transportasyon.
Ang mga traders din umano ang may kontrol sa karamihan sa cold storages para mapaglagyan sana ng mga sobrang sibuyas na hindi maibenta.
“Trader ang nagpautang sa kanila so automatic pagkaganon ang traders ang bibili sa kanilang produkto. So kung ano ang sasabihin ng trader na amount presyo ng produkto ay talagang yun ang iiral. Wala silang [magsasaka] kapasidad na magtakda sa presyo nila,” ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas group.
Hiling ng Bantay Bigas, ang gobyerno na ang bumili sa mga sibuyas sa mga magsasaka at ibiyahe sa mga pamilihan.
Sinabi naman ng DA na nakikipag-ugnayan sila sa ibang mga direct buyer para matulungan ang mga magsasaka.
Idinagdag ng ahensiya na nais sana nilang magdagdag ng cold storage pero kulang ang kanilang pondo.--FRJ, GMA News