Dalawang neophyte na kasama ng 18-anyos na estudyante na nasawi umano sa hazing ng Tau Gamma Phi sa Laguna ang nagbigay ng pahayag sa nangyari. Sinabi naman ama ng biktima na ilan sa kasama sa initiation rites, kamag-anak nila.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kasama raw ng biktmang si Raymart Rabutazo o “RR,” na sumalang sa initiation ng fraternity ang dalawang lalaki na itinago sa pangalang "Ruel" at "Arnel."
Ayon kay Arnel, 24-anyos, dakong 5:00 am nang magkita-kita sila nina RR at Ruel sa plaza bago nagtungo sa Barangay San Juan kung saan naganap umano ang initiation.
Dakong 9:00 am umano nang mawalan ng malay si RR. Ayon kay Arnel, tinangka ng mga opisyal ng fraternity na gisingin ang biktima.
“Tinataktak po para mabuhay… Tinataktak po siya para bumalik pagkamalay niya,” ayon kay Arnel.
Dahil hirap din si Arnel noon sa sinapit na initiation, isang opisyal ng fraternity ang tumulong sa kaniya na makaalis sa lugar.
Ilang oras makalipas nito, nabalitaan umano niya na namatay si RR.
Gaya ni RR, nagtamo rin ng matinding bugbog at mga pasa sina Arnel at Ruel. May paso rin sila ng sigarilyo sa dibdib at sugat sa pisngi.
Si Ruel, sinabing dapat managot ang mga responsable sa nangyari sa kanilang kasamahan.
“Sana po kung talagang nagkulang sila, panagutan nila kung may kasalanan po sila. Kasi po nakapatay po sila eh,” saad niya.
Ayon kay Remil Rabutazo, ama ni RR, nasa 23 fraternity members ang dumalo sa hazing venue at ilan daw sa mga ito ay kamag-anak pa man din nila.
Desidido siyang kasuhan ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kaniyang anak.
“Yun ang gusto sir para hindi sayang ang paghihirap na ma-ano ang kaso ng ating bata,” aniya.
Samantala, dalawang fraternity official ang nasampahan na ng reklamo sa piskalya kaugnay sa nangyari kay RR.
Ang isa sa kanila, handa raw isiwalat ang katotohanan para mabigyan ng hustisya si RR.
Nakuha naman ng pulisya ang paddle na ginamit sa initiation na ipiprisinta sa korte bilang ebidensiya.
Pero kahit may nakasuhan na, hindi pa rin itinuturing ng pulisya na sarado na ang kaso dahil aalamin pa nila ang mga iba pang mga sangkot sa nangyari. —FRJ, GMA News