QUEZON - Inanunsiyo nitong Martes ni Quezon Governor Danilo Suarez ang pagkakaloob ng P1 milyon bilang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng nasa likod ng tangkang pagpaslang kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America.

Nakalabas na ng pagamutan si America at ngayon ay nagpapalakas na lang sa kanilang tahanan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa tangkang pagpaslang sa alkalde at kung sino ang mga nasa likod nito.

Ilan sa mga anggulong tinitingnan ay ang pulitika at ang isyu ng Kaliwa Dam.

Noong Pebrero 27, pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang sasakyan ni America. Nagkaroon ng apat na gunshot wounds ang alkalde.

Droga

Samantala, habang naka-confine ang alkalde ay nasabat naman ng NBI ang higit isang toneladang shabu sa Infanta.

Ani Suarez, magkakaloob din siya ng P1 milyong pabuya sa makapagtuturo kung sino ang nasa likod ng nasabing shabu shipment.

Bagamat nalulungkot si Suarez sa mga pangyayari ay nagpapasalamat siya sa pagka-recover sa shabu. Maraming buhay daw sana ang masisira nito kung kumalat sa bansa.

Nagpasalamat din siya at ligtas na sa kapahamakan ang alkalde. —KG, GMA News