Kabutihang loob ang ipinamalas ng isang babaeng pasahero nang palihim niyang abutan ng tulong ang isang estudyanteng kinapos sa pera habang nasa barko, at nag-iwan ng mensaheng "pay it forward" o isukli ang kabutihan para naman sa iba.
Sa ulat ni Mark Salazar sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing pauwi na mula sa Cebu papuntang Leyte ang estudyanteng si Mark Napallacan nang makaranas siya ng hindi inaasahang pagkakataon.
"Pagdating ko sa barko, tinawagan ko 'yung mama ko na 'Ma, P100 na lang 'yung natira sa binigay mo. After nu'n, pumunta ako sa labas ng [barko] para magpahangin lang. Pagdating ko, may nakita akong P1,000 bill sa isang tissue paper," kwento ni Mark.
Narinig ni Pia Taotao na nasa katabing kama sa barko ang pag-uusap nina Mark at ng kanyang ina.
Palihim na nag-iwan ng pera para kay Mark si Pia.
"I heard Mark talking to his mom na P100 na lang 'yung pera niya, so I reached out to my bag and tissue lang 'yung meron ako so I wrote 'Hi my name is Pia :) PAY IT FORWARD.' To help Mark," sabi ni Pia.
Tinangka ni Mark ibalik ang P1,000 kay Pia noong makababa sila sa Leyte.
Pero dahil sa mensaheng "pay it forward," hiniling ni Pia na ipasa naman ni Mark ang kabutihan sa iba.
Ayon kay Pia, tinulungan din siya ng mga tao na hindi niya kilala nang siya ay mangailangan.
"Pandemic happened, Typhoon Odette hit Southern Leyte. But we are still here standing strong, the business is still good. It's because of all the strangers who supported us," ani Pia.
Isang political science student si Mark, na planong maging abogado.
"Kahit small amount lang, at least nakatulong din sa kapwa," sabi ni Mark. —LBG, GMA News