Tatlo ang patay, at isa ang sugatan matapos tambangan at pagbabarilin ang kotse na kanilang sinasakyan sa San Carlos City, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang pananambang sa Barangay Palampas, nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang dalawang biktima na kaagad na namatay sa ambush na sina Andre Fajardo, 18-anyos, at Russel Bucao, 40.

Pumanaw naman habang dinadala sa ospital si Rudy De La Fuente, 51.

Nakaligtas naman at nagpapagaling sa ospital si Renante Chui, 27.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga nakatakas na salarin. --FRJ, GMA News