Hindi paghataw o pagsabay sa mga trend, kundi pagbibigay-impormasyon tungkol sa mga patay at bangkay ang napiling content ng isang proud embalsamador sa TikTok.
Sa ulat ni John Consulta sa "Dapat Alam Mo!" mapapanood ang ilang TikTok video ng licensed embalmer na si Paolo Velasquez na nagpapakita kung paano gayakan ang mga patay.
Handa raw si Velasquez na magbahagi ng proseso sa death care industry.
"Sa Tiktok man lang, i-explain ko in a 30-second video just to educate. Maraming tao ang hindi nakakaalam sa industry, ano ang gagawin 'pag ganito," sabi ni Velasquez.
Kuwento ni Velasquez, walong taong gulang siya noon nang aksidente siyang makapasok sa embalming room ng kanilang negosyo at nakitang may binibihisang patay.
Kinausap siya ng embalsamador at siya ang pinagsuot ng medyas ng patay.
Doon na nagsimula ang kaniyang interes sa pag-eembalsamo, hanggang sa naging hands-on na siya sa pag-aayos ng mga patay sa tulong ng kaniyang ama.
"With my dad, tinrain (train) kami to look at the deceased with respect. Bilang embalmer, napapaisip din ako na temporary ang buhay. [Kapag namatay na ako] at ganito 'yung kung paano ko tratuhin, gusto ko ganito rin. So we simply pay it forward," sabi ni Velasquez.
Nakapagtapos man ng business administration, nag-training at kumuha na rin siya ng lisensiya bilang embalsamador.
Sa kaniyang trabaho, inilahad ni Paolo na minsan na ring may nagpaparamdam sa kaniya.
"The weirdest thing I felt or experienced was 'yung gamit ko, parang may tumulak from the shelf to the floor, twice," kuwento niya.
Bilang embalsamador, nililinis ni Velasquez ang bangkay, at sinisiguro niyang magiging maganda ang last look nito, kaya ginagamitan niya ito ng special makeup.
"Isa sa pinaka-fulfilling sa aming mga embalsamador is 'yung pagka before you deliver or may burol, makikita ng mga kamag-anak, 'Uy maganda 'yung pagkaka-makeup ng nanay ko, ng tatay ko. Maraming salamat,'" ani Velasquez. —LBG, GMA News