Isang ama ang nasawi, habang sugatan naman ang kaniyang anak matapos silang saksakin ng kanilang kaanak sa Burgos, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Alfredo Decano Sr.
Sugatan naman at inoperahan dahil sa tinamong saksak sa katawan si Albert Decano.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakikipag-inuman si Albert at isa pa niyang kapatid sa suspek na si Danilo Foronda, na bayaw ni Alfredo.
Ayon kay Police Leiutenant Donaldson Pagalanan, OIC, Burgos Police Station, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan habang nag-iinuman na nauwi sa gulo.
Tinangka naman ni Alfredo na mamagitan pero sa halip na magpa-awat umano si Foronda ay inundayan nito ng saksak ang mga biktima.
Naaresto naman si Foronda na desidido umanong sampahan ng kaso ng mga kaanak ng biktima. Hindi siya nagbigay ng pahayag.
Sa Bantay, Ilocos Sur, sinaksak naman ng isang lalaki ang lalaking kainuman ng kaniyang kasintahan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nakikipag-inuman umano ang nobya ng suspek sa dalawa nitong katrabahong lalaki.
Nang dumating ang suspek, nagbasag ito ng bote na ginamit na pagsaksak sa biktima.
Ligtas na sa panganib ang biktima na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Selos ang nakikitang dahilan ng pulisya kaya nangyari ang krimen.
Sinampahan na ng reklamo ang suspek sa piskalya. --FRJ, GMA News