Makalipas ang apat na taon, arestado ang lalaking itinuturong gunman sa pagpatay sa isang "doctor to the barrio" sa Lanao del Norte.

Sa ulat ni John Consulta sa "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing March 1, 2017 nang pumanaw ang doktor na si Dreyfuss Perlas matapos tambangan ng tatlong lalaki sa isang highway sa Kapatagan ng nasabing probinsya.

Natunton ng Lanao del Norte Police at Regional Special Operation Unit- Police Regional Office (RSOU PRO-10) ang suspek na si Mohammad Nabel Banding, na may warrant of arrest at ang itinuturong gunman na bumaril sa doktor.

Positibong kinilala si Banding ng isang saksi na nasa lugar nang patayin si Dr. Perlas.

Kasalukuyang inaalam kung ano ang motibo ng suspek sa pagpatay sa doktor.

Mas pinili noon ni Dr. Perlas na sumali sa "Doctors to the Barrios" program para gamutin ang mga mahihirap sa Mindanao, imbes na mag-abroad o magtayo ng sariling clinic sa lungsod.

Samantala, nahuli rin ng PNP-PRO-10 ang mastermind umano sa pagpatay sa medical director sa isang ospital sa Cagayan de Oro na si Dr. Raul Andutan noong Disyembre 2021.

Patuloy ang mga awtoridad sa paghahanap sa iba pang sangkot sa krimen. —Jamil Santos/LBG, GMA News