Kritikal ang kalagayan ng isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng basag na bote at hiniwa pa ang leeg sa Nueva Vizcaya. Ang suspek, kainuman ng biktima na nangungutang umano para makapag-table ng babae.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing duguan at nakahandusay sa isang establisimyento nang makita ang biktimang si Melchor Felix, 38-anyos.
Nagtamo siya ng mga saksak mula sa binasag na bote at hiniwa pa ang kaniyang leeg.
Sa kabila ng kaniyang kritikal na kalagayan, nagawang maisulat ni Felix ang sumaksak sa kaniya na nakilalang si Orlando Soriano Jr.
Ayon kay Police Major Oscar Abrogera, hepe ng Aritao Police, dating nagkaroon ng alitan ang dalawa pero nagkasundong muli.
"Naging magkaibigan din sila kasi simple lang naman yung naging alitan nila noon," saad ng opisyal.
Sa inuman, nagsimula raw magkainitan ang dalawa nang umutang ang suspek na hindi pinagbigyan ng biktima.
"Gusto niyang [suspek] mag-table ng babae [pero] wala siyang pera. Humihiram siya hindi pinagbigyan [ng biktima], yon ang cause ng pag-aaway nila," sabi pa ni Abrogera.
Nagbasag umano ng bote ang suspek na ipinangsaksak sa biktima.
Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek sa kaniyang bahay.
Inamin umano nito ang nagawang krimen, at mahaharap siya sa kasong frustrated murder.
--FRJ, GMA News