Isang babaeng may-ari ng sari-sari store sa Davao City ang natangayan ng pera ng lalaking budol na nagpanggap na may-ari ng tindahan ng bigas.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi ng biktimang si Joy Sereno, na nagpunta sa tindahan niya ang suspek at nag-alok ng murang bigas na puwede niyang ibenta.
Nahikayat umano siya na bumili dahil sa alok ng suspek sa halagang P750 sa bawat kalahating kaban o 25 kilo ng bigas.
Karaniwan daw kasing nasa P930 ang presyo naturang uri ng bigas.
Itinuro ng suspek ang kaniya umanong bigasan na nasa 25 metro lang ang layo. Pinuntahan naman ito ng biktima dala ang sasakyan na pagkakargahan ng mga bigas.
Sa kuha ng CCTV camera sa tindahan ng bigas, makikita ang suspek na kinakausap ang biktima. Maya-maya lang, itinuturo na ng suspek sa bantay ng tindahan kung saan ikakarga ang bigas.
Dito na nag-abot ng pera na P7,500 ang biktima sa suspek para sana sa 10 sako ng bigas.
Pero pagkakuha ng suspek sa pera, kaagad itong sumakay sa motorsiklo at umalis.
Ayon sa tauhan ng tindahan, inakala niya na magkasama ang suspek at ang biktima.
Napag-alaman na ginamit na rin ang naturang modus sa isa pang tindahan ng bigas.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki.--FRJ, GMA News