Hinoldap ng isang lalaki ang isang lugawan sa Iloilo City at tinangay ang kita ng tindahan.

Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng madaling araw sa Barangay Democracia sa Jaro, Iloilo City.

Sa kuha ng CCTV camera sa lugawan, makikita ang pagpasok ng isang lalaking nakasuot ng jacket, sumbrero at face mask.

Nagkunwari muna siyang kostumer at naupo pa. Pero hindi nagtagal, nilapitan na ng lalaki ang dalawang babaeng bantay sa tindahan at tinutukan ng baril.

Dito na nagdeklara ng holdap ang lalaki at hiningi ang kita ng tindahan.

Nagkunwari naman ang isang bantay ng lugawan na kukuha siya ng susi sa pinaglalagyan ng pera. Nang makakuha ng tiyempo, tinawagan niya ang kaniyang amo para makahingi ng tulong sa pulis.

Pero nakatakas na ang salarin dala ang pera na aabot P5,000. Pinaniniwalaan din na may kasabwat siyang babae na nagsilbing lookout.

Hinala ng may-ari ng lugawan, maaaring namanmanan ang kanilang tindahan na marami ang kumakain.

Nag-iimbestuga na ang mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. --FRJ, GMA News