Arestado ang isang ginang dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng vaccination card sa loob ng isang palengke sa Santiago City, Isabela.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nakuha sa suspek na si Joan Dariano, 31-anyos, ang apat na pekeng vaccination card.
Mayroon umanong pekeng pirma ng mga lokal na opisyal ang card na ibinibenta sa halagang P100 ang isa.
Ayon sa pulisya, falsification of public document ang ginagawa ng suspek, na itinanggi naman ang paratang laban sa kaniya.
"Ang rason niya, yung kaniya (vaccination card) ay nawala. Ngayon may kaibigan din siyang nawawalan (din ng card) kaya dinagdagan niya," sabi ni Police Staff Sergeant Jomar Dela Cuesta, imbestigador ng Santiago City Police Office Station 1.
Nagpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Santiago ng no vaccine, no entry sa mga mall at iba pang establisimyento.--FRJ, GMA News