Naaresto at umamin sa krimen ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa isang babaeng 10-taong-gulang na nakita ang bangkay sa isang kuweba sa Talisay, Cebu. Ang suspek, kamag-anak ng biktima.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ian Baculi, 18-anyos, na naaresto ng mga awtoridad sa Barangay Campo Siete sa Minglanilla, Cebu.

Si Baculi ang itinuturo ng mga saksi na huling nakitang kasama ng biktimang si Kiara Namanama, bago nawala ng tatlong araw, at kinalaunan ay nakita ang bangkay sa isang kuweba sa Barangay Tapul, Talisay City.

Ayon sa pulisya, kaagad silang nagsagawa ng manhunt operation nang ituro ng mga saksi ang suspek at nagtangka pa raw tumakas ni Baculi nang aarestuhin.

Inamin ng suspek ang ginawang krimen, at sinabing sinakal at nilunod niya sa sapa ang biktima, saka niya ginahasa.

Katatapos lang daw niyang maligo sa sapa nang makasalubong niya ang biktima at kaniyang sinundan.

"Parang hindi ko na siya nakilala. Bigla kong naisip na gawin 'yon sa kaniya," ayon sa suspek na aminadong gumagamit ng ilegal na droga.

Matapos lunurin ang biktima, kinuha raw niya ang biktima, ginahasa at itinago ang bangkay sa kuweba na hindi kalayuan sa sapa.

Una rito, sinabing nadiskubre ang bangkay ng biktima na tatlo araw nang nawawala nang may makaamoy sa mabahong amoy na nanggagaling sa kuweba.

Sinabi ni Baculi na mag-isa lang niyang ginawa ang krimen. Humingi siya ng patawad sa kaniyang ginawa.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder, at hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya kung positibong ginahasa ang biktima. --FRJ, GMA News