Pumanaw na ang limang-taong-gulang na lalaki na kabilang sa mga nasugatan sa pagsabog sa loob ng isang pampasaherong bus sa Aleosan, Cotabato.
Kinilala ni 6th ID spokesperson Lieutenant Colonel John Paul Baldomar ang biktima na si Benjamin Solaiman.
Kabilang si Solaiman sa pito kataong nasugatan sa naturang pagsabog sa hulihang bahagi ng bus.
Naganap ang insidente noong Martes ng umaga sa Mindanao Star bus na patungong Cotabato City at galing sa Davao.
Ang iba pang biktima ay sina:
- Haron Solaiman - 24 years old
- Masid Piang - 25 years old
- Yushira Solaiman - 3 years old
- Rodolfo Castillo - 67 years old
- Haira Solaiman - 5 months old, at
- Lester Bautista Alcare - 17 years old
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ng Police Region Office 12, na sumakay ng bus ang hindi pa kilalang suspek sa Kabacan, Cotabato na may bitbit na bagahe.
Pagsapit sa Pikit, bumaba ang suspek pero iniwan niya ang bagahe. Hindi pa batid kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng salarin.
Sa lakas ng pagsabog, nabasag ang salamin ng mga bus at nag-iwan din ng uka sa sahig.
Bumuo na ang PRO12 ng special investigation task group na pangungunahan ni Police Colonel Michael Lebanan para lutasin ang tinawag na “heinous terrorist attack" sa sibilyan. —FRJ, GMA News