Tatlong magpipinsan ang pinagsasaksak ng umano'y kabarangay nila na lasing sa Caoayan, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Villamar.

Nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Dalawa sa kanila ang nakalabas na ng ospital habang nananatili namang inoobserbahan ang isa pa dahil sa tinamong saksak sa tagiliran.

Ayon sa isang biktima na si Mark Jonathan Bagadio,  nagkaroon sila ng kasiyahan sa kanilang bahay dahil sa dumating na pinsan.

Pero dumating umano ang lasing na suspek na si Eljoric Llanes, 18-anyos, at doon na nagkaroon ng kaguluhan.

Sinabi naman ng pulisya na nagkaroon muna suntukan bago naglabas ng patalim ang suspek at nanaksak.

Wala pang pahayag ang suspek pero nagkausap na raw sa himpilan ng pulisya ang magkabilang panig. --FRJ, GMA News