Kitang-kita sa CCTV camera ng isang tindahan sa Dagupan City, Pangasinan ang ginawang pagsiksik ng isang babae ng ilang paninda sa loob ng kaniyang damit.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa isang tindahan na nasa Burgos St.
Makikita sa CCTV sa loob ng tindahan ang ilang babae na tila namimili ng produktong bibilhin. Maya-maya pa, isang babae ang naglagay ng ilang paninda sa loob ng kaniyang damit.
Ang grupo ay kinabibilangan umano ng apat na babae at dalawang lalaki.
Ayon sa isang empleyada ng tindahan, may lumapit sa kanilang kostumer at isinumbong ang ginagawa ng grupo.
"Sinabi agad na nagnanakaw na isinusuksok nila sa bag, sa damit [yung paninda]. Kaya agad-agad naming silang nilapitan tapos agad [silang] lumabas," sabi ng empleyada.
Nagnakaw din umano ng paninda ang iba pang kasama ng babaeng nakita sa CCTV.
Aabot daw sa P20,000 ang halaga ng panindang natangay ng mga kawatan.
Naniniwala ang emplayada ng tindahan na planado ang ginawa ng grupo dahil may garter daw sa katawan ng mga ito para pag-ipitan ng sinisikwat na mga paninda.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para matukoy ang pagkakailanlan ng mga kawatan.
Tinawag nila na isolated case ang insidente at karaniwan daw na dayo o taga-ibang lugar ang mga sangkot sa pagnanakaw. --FRJ, GMA News