Kalaboso ang isang security guard sa Caoayan, Ilocos Sur matapos niyang paluin ng bakal at saksakin ang isang lalaking sakay ng golf cart. Ang suspek, gusto raw gumanti sa isang motoristang nanakit sa kaniya.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing sakay ng golf cart at pauwi na ang biktimang si Tristan Tabboga, 38-anyos, nang bigla siyang komprontahin sa daan ng suspek na si Francis Figueres, 38-anyos, sa barangay road ng Barangay Naguilian.
Nagulat na lang umano ang biktima nang bigla na lang siyang paluin ng bakal sa kamay. At nang tanungin niya kung ano ang problema ng suspek, muli siyang inatake.
Agad na tumawag ang biktima sa kaniyang ama para humingi ng tulong at nasukol ang suspek kinalaunan.
Bukod sa palo ng bakal, nagtamo ng sugat dulot ng patalim sa tiyan at hita ang biktima.
Ayon sa pulisya, lasing umano ang suspek nang mangyari ang insidente.
Idinahilan naman ng suspek na bago ang insidente kay Tabboga, mayroon umanong motorista na nanakit sa kaniya.
Sa kagutuhan umano niyang makabawi, hinabol niya ang motorista pero si Tabboga ang kaniyang inabutan.
Sa kabila ng paliwanag ng suspek, desidido ang biktima na sampahan ng kaso ang sekyu dahil muntik na siyang mapatay nito. --FRJ, GMA News