Tanggal sa serbisyo ang isang babaeng traffic enforcer matapos makunan ng isang truck driver sa video ang ginagawa niyang pangongotong umano sa Silang, Cavite.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa cellphone video na kuha ng truck driver na si Prince Alex na nasa unahan ng kanilang sasakyan ang nakamotor na babaeng traffic enforcer.

Sinundan ito ni Alex at ng kaniyang pahinante matapos kumpiskahin ang kaniyang lisensiya dahil sa traffic violation umano.

Ilang saglit pa, tumabi na ang babaeng enforcer sa daan, at tumabi rin sina Alex.

Dito na kinotongan umano ng babaeng enforcer ang dalawa para hindi tiketan nang tuluyan ang truck driver.

"Magkano kaya? Magkano nandiyan? 'Wag lang 'yung parang barangay tanod," sabi ng babaeng enforcer.

Nakiusap ang driver at ang pahinante nito na P200 lang ang kaya nilang ibigay.

Gayunman, nagmatigas ang enforcer at sinabing P500 lang ang tatanggapin niya.

"'Pag nagsimula akong magsulat tuloy-tuloy na ito, maniwala kayo sa akin," pagbabanta pa ng enforcer.

Sinabi ng dalawa na magdadagdag sila ng P100 para P300 na ang ibibigay nila sa awtoridad.

Pumayag kalaunan ang enforcer at inutusan nito ang driver na pirmahan ang ticket kunwari, at doon iipit ang pera.

Umalis ang enforcer pagkatapos.

Isinumbong nila ito sa Traffic Management Office, na agad kumilos sa insidente.

Hindi nila pinangalanan ang enforcer para sa proteksyon ng pamilya nito.

Sinabi ni Silang Mayor Corie Poblete na agad nilang pinatalsik sa puwesto ang enforcer.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News