Arestado sa entrapment operation ng mga pulis sa Bulacan ang isang lalaki dahil sa pagbabanta umano na ikakalat ang maseselang larawan ng dating nobya. Ang suspek, hindi raw matanggap ang pakikipagkalas sa kaniya ng babae.
Sa ulat ni Trace De Leon sa GMA Regional TV " Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nadakip ang suspek sa loob ng isang convenience store sa Barangay Santol sa Balagtas, Bulacan.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang "Anna," nakipaghiwalay siya sa suspek dahil hindi na niya makayanan ang pagiging seloso at bayolente nito sa loob ng apat na taon ng kanilang relasyon.
"Minsan po magpapa-send siya ng pictures, sasabihin niya po kasi gusto niyang ma-relax. Ako dahil takot na magalit siya kasi masakit yung mga sinasabi niya kapag nagagalit siya, susundin ko po siya," kuwento ng biktima.
Hindi umano matanggap ng lalaki ang kanilang paghihiwalay kaya gumawa ito ng mga dummy account para i-blackmail ang dating nobya.
"Nagggawa na po siya ng maraming dummy account, ginagawang profile picture yung picutre ko po. Tapos ina-add niya yung iba't ibang friends ko po sa Facebook," sabi ni Anna.
Doon na raw nagpasya ang biktima na magsumbong sa mga magulang at sa pulis para maaresto ang lalaki.
Base umano sa nakalap na impormasyon ng pulisya, buburahin daw ng suspek at hindi na ikakalat ang mga larawan ng biktima kapag nakipagbalikan ito sa kaniya.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong grave coercion, paglabag sa violence against women act, at paglabag sa anti-photo at video voyeurism act.--FRJ, GMA News