Pito ang nasawi at siyam ang sugatan sa pag-araro ng isang minibus sa isang tricycle at isang kulong-kolong, at makasagasa ng mga tao sa waiting shed sa Lubao, Pampanga nitong Linggo.
Sa panayam ng SuperRadyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Lubao, Pampanga chief Police Lieutenant Colonel Julius Javier, sinabing papunta sa San Fernando, Pampanga ang minibus, na tumigil lang nang sumulpok na sa poste.
Nangyari ang sakuna sa Olongapo-Gapan Road sa Barangay San Isidro.
“Base sa mga witness natin, hindi naman nila totally nakita. Ang narinig lang kasi nila ‘yung malakas na ingay, ‘yung pagbangga ng bus sa tricycle,” anang opisyal.
Ayon kay Javier, kabilang sa mga nasawi ang konduktor ng bus. Kabilang naman sa mga sugatan ang driver nito.
Unang binangga ng bus ang tricycle na may pitong sakay,
Nasawi ang driver at dalawang pasahero nito.
“May siyam pa tayong naka-confine sa JBL (Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital),” anang opisyal.
“‘Yung iba po, na-confine rin tapos ‘yung iba naman po after magamot, inadvise na rin na umuwi,” dagdag niya.
Sa hiwalay na panayam sa GTV "Balitanghali," sinabi ni Javier na nakaladkad din ng minibus ang kulong-kolong (isang uri din ng tricycle), at dalawang tao ang nasawi sa waiting shed.
Sa lakas ng pagbangga, nawasak ang unahan ng bus.
Ayon kay Javier, nasawi ang konduktor ng bus nang bumangga na ang sasakyan sa poste.
Patuloy pa ang imbestigasyon para alamin kung human o mechanical error ang sanhi ng aksidente.--FRJ, GMA News