Nangangamba ang ilang strawberry farmers sa Benguet na maaapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa pagpasok sa bansa ng mga strawberry na inangkat mula sa Korea.

Sa ulat ni Marjorie Padua sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nasa malalaking pamilihan na sa Cebu ang mga imported strawberry.

Ang mga naturang pamilihan umano ay dating kostumer ng mga strawberry farmer sa Benguet.

Tinataparan din umano ang presyo ng strawberry sa Benguet kaya pinipili na ilang nangangalakal na bilhin ang imported strawberries.

"Ngayon lang kami naka-recieve ng report na mayroon nang strawberry from Korea and we found out na ngayong taon lang din yung application nila, ngayon lang din naaprubahan. Kaya ngayon lang din nakarating yung strawberry from Korea," ayon kay Agot Balanoy, presidente ng Benguet Farmers Cooperative.

Sa mga lugar sa Benguet kung saan galing ang malaking bulto ng strawberry sa merkado ang maapektuhan umano ng imported na strawberry.

Gayunman, kaunti raw talaga ang produksyon ngayon ng strawberry dahil sa epekto ng nagdaang kalamidad.

Sinabi naman ng isang strawberry farmer sa La Trinidad, ang itinuturing "strawberry capital" sa Pilipinas, na hindi sila direktang apektado ng imported strawberry dahil pang turista lang talaga ang produksiyon ng kanilang taniman.

--FRJ, GMA News