Dalawang binatilyo ang wala nang buhay nang maiahon mula sa talon sa Barangay Upper Pulacan, Labangan, Zamboanga del Sur.

Nag-swimming raw ang mga ito sa talon kasama ang isa pang kaibigan, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Nagpraktis pa raw ang isa sa mga biktima na 12-anyos sa malalim na bahagi ng talon, subalit hindi pala siya marunong lumangoy.

Sinubukan siyang tulungan ng isa pang biktima na 16-anyos ngunit pareho na silang nalunod.

Gumamit ng lubid ang mga residente para maiahon ang mga biktima.

Dumalinao

Samantala, sa bayan ng Dumalinao sa Zamboanga del Sur, sugatan ang dalawang lalaki matapos tagain umano ng kainuman.

Nag-iinuman raw ang tatlo nang maubos na ang lambanog.

Bumili ng lambanog sa ibang tindahan ang isang biktima kahit na may tinda raw nito ang suspek.

Dito na sila nagtalo at tinaga umano sila ng suspek.

Tumakas ang suspek subalit nahuli rin.

Nagpapagaling na ang dalawang lalaki. —KG, GMA News