Isa ang nasawi matapos mahulog sa ginagawang tulay ang dalawang sasakyan sa magkahiwalay na aksidente sa Tanza, Cavite.
Nangyari ang parehong aksidente sa Obispo Bridge sa Antero Soriano Highway, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes ng umaga.
Ang unang aksidente ay nangyari nitong Linggo ng gabi.
Isang kotseng itim na may tatlong sakay ang nahulog matapos hindi makita umano ng driver ang "Bridge Under Repair" na nakapaskil sa madilim na lugar.
Ayon kay Kapitan Anthony Arbis, barangay captain ng Amaya Dos, binangga ng driver ang concrete barrier.
"Medyo nakainom 'yung tatlo eh. Nag-inuman daw sila eh. Galing sila sa Maragondon. Pinsan nila 'yung mayor ng Maragondon. Taga-Quezon City," aniya.
Naging pahirapan ang pagsagip sa tatlong sakay.
Tinalian ng lubid ang isang lalaki at unti-unting inangat. Nawalan daw ito ng malay nang mahulog ang sasakyan. Pilit siyang inangat at muntik pa muling mahulog ngunit kalaunan ay naisampa rin sa ibabaw ng tulay.
Minor injuries ang natamo ng huling lalaking sinagip. Agad siyang dinala sa pagamutan at na-discharge na.
Walang pahayag ang dalawang sakay.
TINGNAN: Makapigil-hininga ang pagsagip sa lalaking ito na isa sa tatlong sakay sa nahulog na kotse sa ginagawang tulay sa A. Soriano Highway, Tanza Cavite kagabi.
— Mai Bermudez (@MaiBermudezGMA) November 21, 2021
Ligtas na ang mga sakay ng kotse na nakainom umano ayon sa mga saksi.
Video courtesy: Jonathan Israel@gmanews pic.twitter.com/0KNCkm0DJu
Tinalian ang kotse para hindi ito tuluyang lumubog.
"Sa lahat ng magdaraan papuntang Manila to Naic, Maragondon or Ternate, pagdating sa Soriano Highway ay magdahan-dahan po tayo dahil may ginagawang tulay sa kasalukuyan. Kita niyo naman siguro naka-open talaga siya. Ang nakapaligid sa kanya ay drum lang. Maaaring mag-cause talaga ng aksidente," babala ni Kap. Arbis.
Isa pang aksidente
Pagkalipas ng ilang oras ay may isa pang sasakyang nahulog nitong Lunes ng madaling araw.
Ilang oras matapos mahulog ang isang kotse sa Obispo Bridge sa Tanza Cavite, isa pang sasakyan ang nahulog sa kinukumpuning tulay, kasalukuyang sinasagip ang mga sakay nito@gmanews pic.twitter.com/kylvRdKqQK
— Mai Bermudez (@MaiBermudezGMA) November 21, 2021
Tatlo ang sakay nito, isang pamilya na may kasamang bata.
Pahirapan ang pagsagip sa kanila dahil naipit sila sa loob ng puting sasakyan.
Isang babae ang ni-revive ng mga rescuer ngunit kinalaunan ay binawian ito ng buhay.
FLASH REPORT: Dalawang sasakyan, nahulog mula sa ginagawang Obispo Bridge sa Tanza, Cavite; isa, patay. | via @MaiBermudezGMA, @gmanews pic.twitter.com/mQTMMJKmDY
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 21, 2021
Malalim ang hukay sa ginagawang tulay at tanging mga balde na may lamang lupa at bato ang nakaharang dito. —KG, GMA News