Aabot sa siyam na pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na sumiklab madaling-araw nitong Biyernes sa bayan ng Guinayangan sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) Guinayangan, nagsimula ang sunog sa Barangay Poblacion dakong alas-dos ng umaga.
Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay dahil sa malakas na hangin, dagdag ng BFP.
Bukod sa fire truck ng BFP Guinayangan, rumesponde rin ang pamatay-sunog ng bayan ng Calauag, Quezon.
Walong bahay ang natupok at isa naman ang bahagyang nasira ng sunog.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Ayon sa BFP Guinayangan, inaalam pa nila ang sanhi ng sunog na tinatayang aabot sa P2.8 milyon ang halaga ng napinsala.
Wala pang dalawang buwan ang lumilipas ay isang sunog din ang sumiklab sa bayan na ikinasawi ng dalawang bata. —LBG, GMA News