Dahil umano sa matinding selos at pagtutol ng misis na makipagbalikan, pinagsasaksak ng mister ang kaniyang maybahay, menor de edad na anak, at ang kaniyang biyenan sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing kritikal ang lagay sa ospital ng ginang at biyenan.

Nagtamo naman ng sugat pero nakalabas na ng pagamutan ang anak na 13-taong-gulang.

Kuwento ng anak, hatinggabi nang madinig niyang nagtatalo ang kaniyang mga magulang na matagal na raw hiwalay.

Pilit daw na nakikipagbalikan kaniyang ama sa kaniyang ina. Pero nang hindi pumayag ang ginang dito, sinasaksak ng mister sa tiyan ang kaniyang asawa.

Sasaklolo sana ang anak sa kaniyang ina nang makita niyang sinaksak din ng kaniyang ama ang kaniyang lola.

Nang pigilan niya ang kaniyang ama, siya man ay inundayan na rin ng saksak ng kaniyang ama.

Ayon sa ulat, hindi kaagad kaagad nakasaklolo ang mga kapitbahay sa mga biktima dahil nakakandado ang pintuan ng bahay.

Kaya sinira pa nila ang pinto ng bahay at doon na tumakas ang suspek.

Kaagad naman nilang isinugod sa ospital ang mga biktima, at kinalaunan ay naaresto rin ang suspek.

Ngunit dahil na ipinatutupad na pag-iingat ng pulisya sa COVID-19, hindi na sila pumayag na makapanayam pa ang suspek.--FRJ, GMA News