Hiniling ni Deputy Speaker Mujiv Hataman na hatiin na sa dalawang distrito ang lalawigan ng Basilan.

Sa House Bill 10407 na inihain ng kongresista, iminungkahi niyang isailalim sa First legislative district ang Isabela City and the municipalities of Lantawan, Maluso, Hadji Muhtamad, at Tabuan-Lasa.

Magiging bahagi naman ng Second legislative district ang Lamitan City at mga munisipalidad ng Akbar, Hadji Mohammad Ajul, Tipo-Tipo, Tuburan, Ungkaya Pukan, Sumisip at Al-Barka.

Ayon kay Hataman, mas mabibigyan ng kaukulang representasyon sa Kongreso ang lumalaking populasyon ng Basilan kung magkakaroon ng dalawang distrito.

“In keeping with the above-mentioned cases and in consonance with the Constitutionally-enshrined mandate of democratic and proportional representation, the bill therefore proposes to reapportion the province of Basilan into two legislative districts,” ani Hataman.

Hanggang nitong May 1, 2020, sinabi ni Hataman na umaabot sa 556,586 ang populasyon ng Basilan, na tumaas umano sa nakalipas na limang taon.

Si Hataman ang dating gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na ngayon.—FRJ, GMA News