Tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng malaking lalaki na nahuli-cam na nangholdap sa isang dental clinic sa Bacoor, Cavite. Ang salarin, nag-sorry pa sa kaniyang mga biktima bago umalis matapos makuha ang perang kita ng klinika.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang panghoholdap ng lalaki sa naturang dental clinic sa Bacoor nitong nakaraang linggo lang.
Sa CCTV camera sa loob ng klinika, makikitang nagpanggap na pasyente ang lalaki kaya siya pinayagang makapasok.
Ilang saglit lang, naglabas na siya ng baril at pinapasok sa loob ang mga empleyado at isang pasyenteng babae.
Sinabi ng lalaki na pera lang ang kailangan niya.
Nang makuha ang kita ng klinika, umalis na ito at tumakas sakay ng kotse.
Pero bago ang naturang insidente, napag-alaman na isang dental clinic din sa Bacoor ang hinoldap niya at tinangayan ng pera noong Oktubre 7.
Mayroon pang cellphone na naiwan na puwede niyang tangayin pero hindi niya ito ginalaw.
Mayroon din siyang hinoldap na isang botika sa kalapit na bayan sa Imus, Cavite.
Ayon sa pulisya, natukoy na ang pagkakakilanlan ng salarin na si John Michael Romero, na nahuli na sa Pasay noong nakaraang taon dahil din sa panghoholdap.
Nakapagpiyansa si Romero pero hindi na niya sinipot ang mga pagdinig sa korte.
"Mahuhuli at mahuhuli ka rin po," patiyak ni Police Lieutenant Janice de Guzman, PIO Bacoor City Police.
"Lahat ng masasama may kalalagyan," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News