Sa isang iglap, tatlong buhay ang nawala nang bigla na lang rumagasa ang tubig sa mapanghalinang Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu.
Kabilang sa mga nasawi si Jazel Alastra, at ang pitong-taong-gulang niyang anak na si Princess.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing bago ang trahedya, sabik si Princess sa pagpunta sa nabanggit na talon dahil reunion ito ng kanilang mga kaanak at muli niyang makikita ang kaniyang mga pinsan.
May iginuhit pa siya sa salamin ng kanilang bahay na naglalaran na siya umano at kaniyang ina na may puso, kuwento ng naulilang ama na si Roniel.
Ayon kay Roniel, hindi siya sumama sa naturang reunion sa talon dahil may sipon noon ang bunso nilang anak.
Nasawi rin sa trahedya si Kent Jude Monterola, 17-anyos, habang nakaligtas ang kaniyang ama at isang kapatid.
Sinikap pang sagipin si Ken nang ma-trap siya sa gitna ng rumaragasang tubig pero sadyang malakas ang agos.
Napag-alaman na tanghali nang magsimulang magtampisaw ang magkakaanak sa tubig bagaman bahagyang masama lang daw ang panahon nang sandaling iyon.
Ngunit sa isang iglap, biglang rumagasa ang malakas na agos at hindi na kaagad nakaalis sa tubig ang mga nasawi.
Bakit nga ba biglang rumagasa ang tubig sa talon, at ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Tunghayan sa video ang mga nangyari at ang pagdadalamhati ng mga naulilang pamilya. Panoorin.
--FRJ, GMA News