CAMARINES NORTE - Umakyat na sa 2,280 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Camarines Norte nitong Sabado, ayon sa datos ng Department of Health (DOH) Bicol Center for Health Development.
Ang bilang ng mga aktibong kaso ay 684.
Samantala, 87 na ang mga nasawi, habang 1,509 naman ang mga gumaling na.
Ayon kay Camarines Norte Governor Edgardo Tallado, may naitalang apat na kumpirmadong kaso ng COVID-19 Delta Variant sa lalawigan na posibleng dahilan ng mabilis na pagdami ng bilang ng kaso sa kanilang probinsya.
Dalawa raw dito ay driver at isang saleslady mula sa Maynila, habang ang isa naman ay nanggaling ng Albay. Nagpapatuloy daw ang isinasagawang contact tracing.
Ayon pa kay Tallado, sa ngayon daw ay puno na ang COVID-19 isolation ward ng Camarines Norte Provincial Hospital kung kaya’t mas paiigtingin ang paghihigpit sa mga border.
Patuloy din ang kanilang panawagan ng masidhing pagsunod sa mga health protocols.
Ang lalawigan ng Camarines Norte ay pangalawa sa mga lalawigan sa Bicol Region na may mababang kaso ng COVID-19. Pumapangalawa ito sa lalawigan ng Catanduanes na mayroon lamang 1,310 na kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ayon sa DOH, may naitalang 19,271 na bagong kaso ng COVID-19 nitong Linggo, kung kaya't tumaas ang kabuuang bilang sa 2,366,749.
Ang mga aktibong kaso ay 178,196. Ang mga gumaling naman ay 2,151,765 na, habang 36,788 ang mga pumanaw na. —KG, GMA News