Na-trauma at nawala ang kita sa buong araw na pagtatrabaho ng isang food delivery rider nang holdapin siya ng tatlong lalaki sa Dagupan City, Pangasinan. Ang biktima, breadwinner sa kanilang pamilya.
Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa New De Venecia Highway sa Dagupan.
Kuwento ng biktima na itinago sa pangalang "Martin," sandali siyang tumigil sa gilid ng kalye para tawagan sana sa cellphone ang kaniyang kostumer.
Pero tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang tumabi sa kaniya at nagdeklara ng holdap.
"May itinutok siya sa akin sa tagiliran. Sa sobrang takot sinabihan ako na ibigay ang belt bag kung ayaw ko raw masaktan. Ibigay ko yung belt bag," anang biktima.
Nakuha ng mga holdaper ang kinita ni Martin sa maghapong pagbabanat ng buto at ang pagbayad sana sa motorsiklo na may kabuuang halaga na P19,000.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at kasama nilang aalamin kung mayroon iisang grupo na bumibiktima sa mga delivery rider dahil may naitala na rin na katulad na mga insidente sa nagdaang mga buwan.--FRJ, GMA News