Ang masayang bonding ng pamilya Collantes sa loob ng kanilang bahay sa Bacoor, Cavite, muntik mauwi sa trahedya nang mabulunan ng kendi ang isang bata. Ano nga ba ang dapat gawin kapag nangyari ito?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakita ang kuha sa CCTV video sa bahay ng pamilya na masayang nagtatawanan sa sala.
Pero maya-maya lang, nakita na ang siyam na taong gulang na si Paco na biglang tumayo at lumabas ng bahay.
Nang sandaling iyon, hindi na pala siya makahinga matapos mabulunan sa kinaing mga kendi na dala mismo bilang pasalubong ng kaniyang ina na si Jonabel.
Nang mapansin ni Jonabel na hindi nakakahinga ang anak at nag-iiba na ang hitsura, naalala niya ang turo ng mga kaibigan niyang nurse na "abdominal thrust."
Kaagad na pumuwesto si Jonabel sa likod ng anak, at padiin na niyakap ang sikmura ni Paco nang paulit-ulit para maisuka ang kendi.
Matapos ng ilang saglit, sinundot nila ang lalamunan ni Paco hanggang sa maisuka na niya ang kendi.
Ayon sa eksperto, tama ang ginawang aksyon ni Jonabel sa naturang sitwasyon pero may mali sa pagpuwesto ng kaniyang mga kamay.
Papaano nga ba ang tamang pagmaniobra ng "abdominal thrust?" Saan bahagi nga ba ng sikmura ng taong nabulunan dapat ilagay ang kamay ng sasagip sa kaniya? Panoorin ang video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News