Isang barangay chairman sa Pagadian City ang patay matapos siyang pagbabarilin ng apat na salarin sa labas ng kaniyang bahay.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang biktima na barangay chairman Raymundo Abiar.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Abiar na nasa labas ng kaniyang bahay Barangay Tuburan noong nakaraang Miyerkules, nang biglang dumating ang dalawang pares ng riding in tandem.

Nang makita ng biktima ang mga salarin, tinangka niyang tumakbo papasok ng bahay ay nabaril na siya ng isang salarin na nakapuwesto sa likod ng sasakyan.

Nang matumba ang biktima, ilang beses pa uli siyang binaril bago tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at kabilang ang pulitika sa tinitingnan motibo sa krimen.

Magbibigay naman ang pamahalaang panglalawigan ng Zamboanga del Norte ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang nasa likod ng karuman-dumal na krimen.--FRJ, GMA News