QUEZON - Naitala nitong Biyernes ang pitong kumpirmadong kaso ng COVID-19 Delta variant sa lalawigan ng Quezon.
Base ito sa ipinalabas na impormasyon ng Quezon Integrated Provincial Health Office (IPHO) mula sa Department of Health.
Apat dito ay mula sa bayan ng Dolores na nasa border ng Laguna at Quezon, habang dalawa naman ay mula sa bayan ng Sariaya.
'Yung isang Delta variant na kaso ay naitala sa bayan ng Tiaong.
Mayroon din raw na isang kaso ng Beta variant sa Sariaya.
Inaalam na ng kanilang mga pamahalaang lokal ang kalagayan at lokasyon ng mga nagpositibo sa nabanggit na mga variant ng coronavirus.
Ayon pa Quezon IPHO, tatlo sa mga nabanggit ay gumaling na mula sa sakit.
Samantala, patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Quezon.
Nitong Sabado ay mayroon ng 18,015 na kaso sa lalawigan.
Ang mga aktibong kaso ay umabot sa 1,144, habang 16,029 na ang gumaling. Samantala, 842 na ang naitalang nasawi.
Ang bayan ng Candelaria ang mayroong pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19. Nitong Sabado ay 289 na ang kanilang aktibong kaso.
Ayon sa mga awtoridad, 100% full capacity na ang mga pagamutan sa Candelaria. Mahaba na ang listahan ng mga COVID-19 patient na for admission. Kailangan munang maghintay ng ilang araw bago ma-admit sa pagamutan. Ang ilang COVID-19 patient na walang matinding sintomas ay sa bahay na lang nagpapagaling. Marami rin daw ang namamatay.
Ayon kay Dr. Quennie M. Mateo, municipal health officer ng Candelaria, maraming residente ang nagkampante at hindi na sumusumunod sa health protocol kung kaya’t tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan. Marami rin daw ang mga dumadayo sa kanilang bayan mula sa ibang probinsya na posibleng may dalang virus. Sa ngayon daw ay mayroon silang hinihintay na resulta ng genome sequencing upang matukoy kung mayroon na ring COVID-19 Delta variant sa kanilang bayan dahil talagang mabilis daw ang hawahan.
Ang nag-iisang crematorium naman sa Quezon province ay pila na rin ang mga sinusunog na bangkay. Sa isang araw daw ay umaabot sa 10 hanggang 12 COVID-19 deaths ang kanilang siniserbisyuhan. Sa ngayon daw ay kaya pa naman ng kanilang crematorium na i-accommodate ang inilalapit na ipapa-cremate subalit talagang maghihintay nang matagal.
Isang pamilya mula pa sa bayan ng Guinayangan ang naabutan ng GMA News na naghihintay na ma-cremate ang kanilang namatay na kaanak. Nagdesisyon daw sila na ipa-cremate ang nasawing kaanak matapos itong masawi dahil umano sa COVID-19. Naka-quarantine daw ngayon ang mga kasama nito sa bahay. —KG, GMA News