Isang tricycle driver ang patay at dalawa naman ang sugatan matapos araruhin ng isang dump truck ang ilang sasakyan at isang tindahan sa Antipolo City nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat ng 24 Oras Weekend, kritikal daw ang tricycle driver nang dalhin sa ospital kung saan siya namatay kinalaunan.

Nangyari ang insidente sa Barangay San Jose, ayon naman sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

 

 

Ayon sa barangay tanod na rumesponde sa aksidente, nawalan ng preno ang truck sa Overlooking at tuloy-tuloy na ito pababa sa pa-zigzag na daan.

Sumalpok ito sa isang tricycle at iba pang sasakyan bago dumeretso sa sari-sari store.

Mabilis namang nakuha sa sasakyan ang mga sugatan. May residente ring nasugatan.

Ligtas ang driver ng truck pati na ang pahinante nito. Ayon sa driver ng truck, nawalan siya ng preno ng pababa sa provincial road. Sinubukan niya raw igilid ang truck para wala raw masyadong madamay.

Yuping-yupi naman ang bubong ng tricycle dahil sa lakas ng pagkabangga ng truck.

May dalang gypsum na ginagamit sa paggawa ng semento ang truck nang mangyari ang aksidente. —KG/MDM, GMA News