Nagtamo ng mga sugat ang apat na magkakamag-anak matapos silang pagsasaksakin ng live-in partner ng isa sa mga biktima dahil sa kanilang away sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Jamie Santos sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, maririnig sa isang video ang sigawan at iyakan mula sa isang bahay sa nasabing siyudad.

Ilang saglit pa, inilabas ang apat na duguang mga biktima, na isinakay sa tricycle at isinugod sa ospital.

Base sa paunang imbestigasyon, umuwi sa kaniyang pamilya ang isa sa mga biktima na si Danica Basilla matapos ang pag-aaway nila ng suspek na si James Salinas.

Pero kinabukasan, pinuntahan ni Salinas si Basilla para kausapin, pero ayaw nang sumama ni Basilla sa suspek dahil sinasaktan siya umano nito.

Dito na pinagsasaksak ng suspek ang biktima.

Tinangkang umawat ng ama ni Basilla na si Henry, pero siya naman ang binalingan at sinaksak ng suspek.

Sinaksak din ni Salinas ang mga kapatid ni Danica, na 17-anyos at 13-anyos lang.

"Almost four days yata na hindi natutulog kaya medyo distorted na 'yung utak no'n. Accordingly dala niya (kutsilyo) kasi nanggaling siya roon sa bahay niya, at siguro 'yun ang intensiyon niya," sabi ni Police Lieutenant Coloncel Ruben Piquero, hepe ng Dasmariñas Police.

Pinadlock ng suspek ang gate ng bahay kaya pinagtulungan itong tanggalin ng mga rumesponde.

Ayon pa sa Dasmariñas Police, sinaksak din ng Salinas ang kaniyang sarili at tinangkang sunugin ang bahay.

Pinagtulungan ng mga residente na apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher.

Nahaharap sa reklamong multiple frustrated murder at arson si Salinas, na nagtamo ng third degree burns.

Umapela ng tulong ang pamilya ng mga biktima dahil problemado sila sa paggastos sa pagpapagamot nila.

Stable na ang kanilang lagay ayon sa pulisya. -MDM, GMA News