Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang traffic enforcer na kilala umanong mahigpit sa pagpapatupad ng batas-trapiko sa kaniyang puwesto sa Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mario Domingo, 61-anyos.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Domingo na nakaupo sa tabing-kalsada nang biglang huminto sa tapat niya ang isang motorsiklo na may sakay na dalawa katao na nakasuot ng helmet.
Naglabas ng baril ang angkas at pinaputukan ang biktima na nagtamo ng dalawang tama sa dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Norzagaray.
Hindi natukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin dahil sa suot nilang helmet.
Bukod sa personal na ayaw, tinitingnan ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ang krimen dahil kilala umano si Domingo na mahigpit sa pagpapatupad ng batas-trapiko.
Nananawagan naman ang pamilya ni Domingo sa may nalalaman sa pangyayari na tulungan silang makamit ang hustisya para sa biktima.--FRJ, GMA News