Hindi na gumagalaw nang makitang nakalutang sa baha ang isang tatlong-taong-gulang na babae sa ibaba ng kanilang bahay sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Sophia Mae Episcope, ng Barangay Poblacion West.
Ayon sa lola ng biktima na si Neneth Episcope, posibleng nadulas ang bata sa hagdan at nahulog sa baha.
"Hinatid ko dun sa kuwarto niya, nandoon ang mama niya, tinimplahan pa siya ng gatas. Nung nabalikwas yung mama niya, wala sa tabi niya [ang bata]," kuwento ng lola.
Nang hanapin ang bata, nakita ang katawan nito na nakalutang na sa tubig sa ilalim ng kanilang bahay.
Kaagad na kinuha ng ina ang kaniyang anak, binigyan ng first aid at isinugod sa pagamutan. Pero idineklara na siyang dead on arrival.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand De Asis, hepe ng Calasiao Police, posibleng tumama sa semento ang bata nang mahulog mula sa hagdan.
"Wala man lang railings, ang taas ng floor nila mula sa ground ay mahigit limang talampakan. Maaaring nahulog ito sa kanilang bahay at yung nga tumama yung ulo niya dito sa pavement," pahayag ng opisyal.
Isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng bata.--FRJ, GMA News