Naging biktima ng karahasan ang mismong hepe ng Public Order and Safety Office ng Calamba, Laguna matapos siyang tambangan. Bagaman nakaligtas ang opisyal, tatlo naman ang nasugatan, kabilang isang babaeng napadaan lang sa lugar
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nahagip ng CCTV camera sa Barangay Bokal ang gunman na pumuwesto sa tindahan.
Nang dumating ang sinasakyan ng kaniyang target na si Jeff Rodriguez, hepe ng POSO-Calamba, umatake na ang gunman at pinaputukan ang saksakyan ng biktima.
Kaagad ding tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo kasama ang kaniyang kasabwat.
Nakaligtas at hindi nasugatan si Rodriguez na nakaupo sa likuran ng sasakyan.
Pero nasugatan ang kaniyang driver at isang bodyguard na nakapuwesto sa harapan.
Tinamaan din ng bala sa magkabilang hita ang isang babaeng factory worker na napadaan lang sa lugar.
Ayon kay Rodriguez, bagaman alam niyang marami siyang nasasagaan bilang hepe ng POSO, wala naman siyang natatanggap na direktang banta sa buhay bago maganap ang ambush.
Inalis ng Police Regional Office 4-A sa puwesto ang hepe ng Calamba police dahil sa nangyari.
Patuloy din ang isinasagawang manhunt operation para mahuli ang mga suspek.--FRJ, GMA News