Dalawang lalaki na edad 22 at 20 ang sinasabing nasa likod ng hindi bababa sa 30 insidente ng panghoholdap sa iba't ibang bayan at lungsod sa Batangas. Ang gamit daw ng dalawa para manindak ng biktima--patalim at 'pellet' gun.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang mga kuha ng CCTV sa ilang insidente pag-atake na ginawa ng riding in tandem na holdaper.
Kabilang na dito ang nangyaring panghoholdap sa Lipa City, Sto, Tomas, at maging sa Malvar, kung saan pinalo pa ng suspek ng baril sa ulo ang kanilang biktimang babae.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lory Tarrazona, hepe ng Lipa City Police, iba't ibang oras kung umatake ang mga suspek na nag-iikot sakay ng motorsiklo para maghanap mabibiktima.
Kapag nasindak na ang biktima, kaagad nilang kukunin ang mga gamit nito at saka tatakas.
Ang isang biktima na pumalag umano sa dalawa, sinaksak sa kamay.
Pero dahil sa mabilis na paghingi ng tulong ng panibago nilang biniktima, nadakip ang dalawa na kinilalang sina John Leandro Buena, 22-anyos at Raffy Esparza, 20.
Narekober sa mga suspek ang motorsiklo at isang baril na pellet gun na ginagamit nila sa panghoholdap.
Hinikayat ni Tarrazona ang mga iba pang nabiktima ng dalawa na magtungo sa kanilang himpilan para magsampa ng reklamo.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga naarestong suspek.--FRJ, GMA News