TAGKAWAYAN, Quezon - Patay ang anim na pasahero ng isang van habang tatlo pa ang sugatan matapos itong sumalpok sa kasalubong na trailer truck sa Tagkawayan, Quezon nitong madaling araw ng Martes.
Dead on the spot sina Ron Aldwin Cortez, ang driver ng van, at ang katabi nito sa unahan na si Sergie Victor France Reyes.
Nasawi rin ang mga pasaherong sina Maria Thalia Floresca, Agnes Amaro, Rommel Galupar at John Robert De Ocampo.
Samantala, sugatan naman sina Fatima Martinez, Raymund Froivel at Joel Badiola. Inilipat na si Badiola sa mas malaking pagamutan sa Naga City.
Nangyari ang insidente sa Quirino Highway sa Barangay San Vicente pasado alas-dose ng umaga.
Galing Maynila ang van na patungo sana sa Bicol lulan ang siyam na tao kabilang ang driver. Ang trailer truck naman ay nanggaling sa Naga City at patungong Cavite.
Sa tindi ng salpukan ay nawasak at parang nilukot na papel ang unahan ng van.
Naging pahirapan ang isinagawang rescue operation ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection - Tagkawayan dahil naipit ang mga biktima sa loob ng van. Gumamit pa ng extrication machine ang mga rescuer.
Ayon sa hepe ng Tagkawayan Municipal Police Station na si Police Major Marcelito Platino, lumalabas sa imbestigasyon na ang nasawing driver ng van ang may pagkakamali sa trahedya.
Nag-overtake raw ito sa isa pang sasakyan sa pakurbang bahagi ng highway dahilan para masalubong ang trailer truck. Nang-agaw daw ito ng linya.
Sinubukan pa raw ng trailer truck na iwasan ang van pero sumapol pa rin ito.
Kuwento naman ng dalawang nakaligtas, nakaupo sila sa likod na dulong bahagi ng van. Pag-alis pa lang daw ng Maynila ay napansin na nilang may ka-video call ang driver habang nagmamaneho. Sobrang bilis din daw ng kanilang takbo at ilang beses pa na muntik maaksidente.
Bago raw mangyari ang aksidente ay may katawagan pa rin sa telepono ang driver. Inamin din ng pasaherong nakaligtas na namamasada ang van at nagbayad sila ng pamasahe.
Kinumpirma rin ni Platino na may ka-video call ang driver nang mangyari ang aksidente na posibleng nakaapekto sa pagmamaneho ng driver ng van.
Ayon sa driver ng trailer truck na si Arjay Brito, mabagal lang daw ang takbo niya ng sumalubong sa kanya ang paparating na van. Sinubukan pa raw niyang igilid ang trak subalit inabot pa rin daw siya ng van.
Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tagkawayan Municipal Police Station. —KG, GMA News