Sadya raw mahilig magluto si Sharmaine na mula sa Dasmarinas, Cavite. Pero isang araw, may naganap na trahedya sa kusina ng kanilang bahay nang "sumabog" ang tangke ng LPG na naging dahilan ng pagkakalapnos ng buo niyang katawan.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente noong hatinggabi nitong June 19 nang magpapainit sana ng tubig si Sharmaine.
Sa lakas ng pagsabog, nabakbak ang kisame sa entrada ng bahay kanilang bahay, sala at kuwarto.
Ang mga kurtina sa kusina, halos nalusaw.
Isang araw bago maganap ang trahedya, nakatoka raw si Sharmaine na magluto ng handa para sa binyag ng kaniyang pamangkin.
Ang tangke ng LPG sa bahay, pansamantalang inilipat ng kaniyang ama, at kinalaunan ay ibinalik din.
Hanggang noong hatinggabi ng Hunyo 19, nangyari na ang hindi inaasahang pagsabog sa loob ng kusina dahil sa sumingaw na tangke.
Sa ospital, nakita ang tindi ng pinsalang tinamo ni Sharmaine na 2nd at 3rd degree burns.
Namaga rin kaniyang katawan at kinailangan siyang lagyan ng "tubo" para matulungan sa paghinga.
Pero ano nga ba ang nangyari at nagkaroon ng pagsingaw sa tangke? Papaano ba maiiwasan ang ganoong uri ng insidente, at makaligtas kaya si Sharmaine sa tinamo niyang pinsala? Tunghayan ang buong pangyayari sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News